Pagkilala sa Tekstong Informativ
at Panghihiram ng mga Salita
Tungkol saan ang araling ito?
Magandang araw sa iyo! Marahil ay nakahanda ka nang magsimula. Ito
ang unang modyul na pag-aaralan mo sa Filipino 1.
Karaniwan na sa usapan ng mga kabataang tulad mo na marinig ang
ganito: “Gigimik ako mamaya, sama ka!” “ May Friendster ka ba?” “Taym na,
baka tayo maleyt.” Taglish? Filipino? Filipino ang wikang iyan. May mga
hiram na salita nga lamang.
Paano ba ang paghiram ng mga salita? Isa ito sa matututuhan mo.
Gayundin, matututuhan mong magsuri ng mga sanhi at bunga ng mga pangyayari, at
ang mga pagkakatulad at pagkakaiba ng mga pahayag.
Sisikapin ng modyul na ito na matulungan kang higit na malinang ang
iyong mga kasanayan at pag-unawa sa mga
tekstong informativ.
Huwag kang mag-alala. Tulad ng sabi ko, tutulungan ka ng modyul na
ito.
Inaasahang
matatamo mo ang mga sumusunod na kasanayan, sa pag-aaral ng modyul na ito:
1. Nababaybay nang wasto ang mga salita batay sa binagong alfabeto
2.
Nagagamit nang wasto ang mga
salitang hiram batay sa binagong alfabeto
3.
Naiuugnay ang mga kaisipan sa
tekstong binasa sa mga pansariling
karanasan
- Aktwal na karanasan
- Nasaksihan
- Narinig /Nabasa
4. Natutukoy ang punto ng pagkakatulad at pagkakaiba ng mga pahayag
5.
Nabibigyang-kahulugan ang
magkakaugnay na pahayag upang maibigay ang sanhi at bunga ng mga pangyayari
Sige, magpatuloy ka.
Ano na ba ang alam mo?
Sagutan ang panimulang pagsusulit. Huwag kang mag-alala, aalamin
lang nito kung kailangan mo pa ang modyul na ito o tutuloy ka na sa
kasunod. Tandaang gumamit ng hiwalay na
sagutang papel.
- TEKSTONG INFORMATIV
Panuto: Basahin mo ang ilang
teksto. Piliin mo kung alin sa mga ito ang
informativ. Isulat ang I kung informativ, at HI kung
hindi.
__________1.
Palala nang palala ang suliranin tungkol sa karahasan sa mga kabataan.
Nararapat lamang na tayo ay makisangkot sa isyung ito. Makakatulong ang inyong
suporta sa pagpapadala namin sa mga paaralan ng mga materyales nang libre. Mabubuksan ang isipan
ng mga kabataan sa kanilang karapatan. Gayundin, matutukoy nila ang kanilang
mga papel bilang mga kabataan ng lipunan. Malayo ang mararating ng inyong
donasyon sa aming institusyon . Nagpapasalamat ang aming organisasyon
sa patuloy ninyong pagsuporta.
__________2. Kung ibig mong mamasyal, maaari mong
bisitahin ang Isarog National Park. Ito ay matatagpuan sa Naga City. Malawak
ang parke. May kabuuang sukat itong
10,000 ektarya. Napakaraming likas na yamang nakatira rito. Itinatayang
mayroong 150 uri ng ibon dito, 33 uri ng mammals at 1,163 uri ng mga
halaman. May pirmihang patubigan din itong nagsusuplay sa mga pangangailangang
domestik, agrikultural at komersyal. Kailangang-kailangang alagaan at
pagyamanin ang parkeng ito. Bihira na ang ganito sa Pilipinas.
__________3. Isang mabigat na isyu ang pang-aabuso
sa mga bata at kabataan. Maaaring ang pang-aabuso ay pisikal o emusyunal.
Kabilang sa pang-aabuso ang sapilitang pagtatrabaho, pornografi, exployteysyon
at pagsasamantalang sekswal. Inireport sa The Council of Elders for the
Protection of Children na ang prostitusyon, pagiging delingkwente,
pagtatangkang magpakamatay, depresyon, mababang pagtingin sa sarili at
pagkatakot sa isyung may kaugnayan sa sex ay mga indikasyon at epekto ng
pang-aabuso sa mga kabataan.
__________4.
Pinaniwalaan ng isang bishop noong 1870 na wala nang maaaari pang
maimbento ang tao. Sinabi niya ito sa isang presidente ng isang maliit na
kolehiyo. Hindi sumang-ayon sa kanya ang presidente at sinabing marami pang
dapat tuklasin ang tao. Wika niya, “Darating ang panahong ang tao ay
makalilipad tulad ng mga ibon..” Hindi naniniwala ang bishop at sinabing iyon
ay paglapastangan sa Diyos. Ayon sa kanya, “Ang paglipad ay para lamang sa mga
anghel! Pagkaraan ng 33 taon, pinalipad ng magkapatid na Orville at Wilbur ang
kauna-unahang sasakyang mas mabigat pa sa hangin. Ito ang pinagmulan ng
eroplano. Sino ang bishop? Si Milton Wright, ang ama ng magkapatid na umimbento
ng eroplano!
__________5. Mahalagang paunlarin ang iyong sarili.
Luma na ang kaisipang kung hindi ka matalino sa Lingguwistika, Matematika o sa
Agham ay bobo ka! Lumang kapaniwalaan. Maraming uri ng katalinuhan bukod sa
nabanggit na. Mayroon sa musika, sa sayaw, sa pag-arte, sa pagguhit, pakikinig,
pagsulat, pagsasalita, at maging sa pagtingin sa buhay at kamatayan. Sino nga
ba ang walang ganoong kakayahan? Maaaring dalawa o higit pa ang mayroon ka! Ang
gagawin mo lang ay tuklasin ito at idevelop.
Alamin
Nakakita ka na ba
ng pating, balyena o dolphin? Alam mo ba ang pagkakaiba-iba nila? Ang pating ay
mabangis at kumakain ng malalaking hayop sa dagat at gayundin ng tao. Samantala, ang mga
balyena at dolphin ay maaamo, mapaglaro at kadalasan ay nagliligtas ng buhay kung
may sakunang nangyayari sa dagat.
Marahil, narinig mo na ang tungkol sa mga Butanding? Kung hindi pa, ito ang mga whale sharks na maamo at tunay na kinagigiliwan ng mga turista. Alam mo ba kung saan matatagpuan ang mga Butanding?
Sige, basahin mo ang tungkol dito at nang malaman mo.
Mga Butanding ng Donsol
Ipinakita ng mga taga-Donsol, na maaaring pagkakitaan
ang mga likas nating yaman ng hindi pinapatay o nilulustay.
Marami sa mga may malasakit sa
turismo at kalikasan ang nakakaalam na ang pinakamalaking isda ay ang
"Butanding" na mas kilala sa wikang Ingles na
"Whale Shark" ay
naninirahan at nakikipaglaro sa mga turista at kababayan ng Donsol, Sorsogon
mula Disyembre hanggang Mayo taun-taon.
Sadya talagang mapalad ang mga
taga-Donsol sapagka’t hindi nila natutuhang kainin ang mga Butanding. ‘Di tulad
sa ibang parte ng Pilipinas kung saan ang Butanding ay kinakatay at kinakain.
Ang mga Butanding sa Donsol ay tinuturing na isang bagong kaibigan na
nagbibigay ng hanapbuhay sa mga naninirahan doon.
Ang Butanding ay hindi kumakain ng
mas malalaking nilalang tulad ng mga malalaking laman-dagat, isda o tao. Sa mga
pag-aaral ng mga siyentipiko, ang kinakain ng Butanding ay mga plankton
(maliliit na hayop), at mga hipon. Wala siyang matatalas na ngipin tulad ng
ibang pating, at ang kanyang pagkain ay hinihigop ng kanyang napakalaking bibig
(mga 8 metro ang lapad) at sinasala ng kanyang mga hasang.
Maraming kailangang sundin upang
ipakita ang paggalang sa mga Butanding tulad ng hindi paghipo o pagsakay. Hindi
gumagamit ng mga scuba gear, at iba pang gamit na makapagtataboy sa kanila.
Hindi rin gumagamit ng “flash photography”. Dapat pa ding alalahaning sila ay
mga "wild” at hindi turuan. Minsan tumatagal ang mga "encounter"
dahil ang mga Butanding ay kumakain. Natatapos ang mga "encounter"
‘pag nagdesisyon ang mga Butanding na lumangoy palayo.
Ngayong tapos mo nang basahin, saan
matatagpuan ang mga Butanding? Tama, sa Donsol, Sorsogon. Nakatatakot ba ang
mga Butanding? Syempre, hindi. Dahil sila ay maaamo at palakaibigan. Natandaan
mo ba kung anu-ano lamang ang kinakain nila? Tama ka! Maliliit na mga hayop at
mga hipon lamang.
Ipinakita ng mga taga-Donsol, na maaaring
pagkakitaan ang mga likas nating yaman tulad nito, ng hindi pinapatay o
kinakatay. Kinakailangan din sigurong maibahagi sa iba ang karanasan ng mga
taga-Donsol, Sorsogon, di ba? Daan ito para pangalagaan din nila ang bagong
yamang ito. Kahit kasi alagaan sila ng mga taga-Sorsogon, kung sa iba namang
daraanan ng mga Butanding ay kakatayin din sila, mawawalan ng silbi ang lahat
ng pagsisikap.
Sang-ayon ka ba rito? Marahil ay walang dudang “Oo” ang sagot mo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento