Biyernes, Disyembre 6, 2013


Pagkilala sa Tekstong Informativ
at Panghihiram ng mga Salita


Tungkol saan ang araling ito?

Magandang araw sa iyo! Marahil ay nakahanda ka nang magsimula. Ito ang unang modyul na pag-aaralan mo sa Filipino 1.    

Karaniwan na sa usapan ng mga kabataang tulad mo na marinig ang ganito: “Gigimik ako mamaya, sama ka!” “ May Friendster ka ba?” “Taym na, baka tayo maleyt.” Taglish? Filipino? Filipino ang wikang iyan. May mga hiram na salita nga lamang.

Paano ba ang paghiram ng mga salita? Isa ito sa matututuhan mo. Gayundin, matututuhan mong magsuri ng mga sanhi at bunga ng mga pangyayari, at ang mga pagkakatulad at pagkakaiba ng mga pahayag.

Sisikapin ng modyul na ito na matulungan kang higit na malinang ang iyong mga kasanayan at  pag-unawa sa mga tekstong informativ.

Huwag kang mag-alala. Tulad ng sabi ko, tutulungan ka ng modyul na ito.


Ano ang matututunan mo?

Inaasahang matatamo mo ang mga sumusunod na kasanayan, sa pag-aaral ng modyul na ito:

1.   Nababaybay nang wasto ang mga salita batay sa binagong alfabeto


2.     Nagagamit nang wasto ang mga salitang hiram batay sa binagong alfabeto

3.     Naiuugnay ang mga kaisipan sa tekstong binasa sa mga pansariling   karanasan
      - Aktwal na karanasan
                              - Nasaksihan
      - Narinig /Nabasa

4.   Natutukoy ang punto ng pagkakatulad at pagkakaiba ng mga pahayag


5.     Nabibigyang-kahulugan ang magkakaugnay na pahayag upang maibigay ang sanhi at bunga ng mga pangyayari


         Sige, magpatuloy ka.

Ano na ba ang alam mo?
 
Sagutan ang panimulang pagsusulit. Huwag kang mag-alala, aalamin lang nito kung kailangan mo pa ang modyul na ito o tutuloy ka na sa kasunod.  Tandaang gumamit ng hiwalay na sagutang papel.


  1.      TEKSTONG INFORMATIV     
             Panuto: Basahin mo ang ilang teksto. Piliin mo kung alin sa mga ito ang
                     informativ. Isulat ang I kung informativ, at HI kung hindi.

__________1.  Palala nang palala ang suliranin tungkol sa karahasan sa mga kabataan. Nararapat lamang na tayo ay makisangkot sa isyung ito. Makakatulong ang inyong suporta sa pagpapadala namin sa mga paaralan ng mga  materyales nang libre. Mabubuksan ang isipan ng mga kabataan sa kanilang karapatan. Gayundin, matutukoy nila ang kanilang mga papel bilang mga kabataan ng lipunan. Malayo ang mararating ng inyong donasyon sa aming institusyon . Nagpapasalamat ang aming  organisasyon  sa patuloy ninyong  pagsuporta.

__________2. Kung ibig mong mamasyal, maaari mong bisitahin ang Isarog National Park. Ito ay matatagpuan sa Naga City. Malawak ang parke.  May kabuuang sukat itong 10,000 ektarya. Napakaraming likas na yamang nakatira rito. Itinatayang mayroong 150 uri ng ibon dito, 33 uri ng mammals at 1,163 uri ng mga halaman. May pirmihang patubigan din itong nagsusuplay sa mga pangangailangang domestik, agrikultural at komersyal. Kailangang-kailangang alagaan at pagyamanin ang parkeng ito. Bihira na ang ganito sa Pilipinas.


__________3. Isang mabigat na isyu ang pang-aabuso sa mga bata at kabataan. Maaaring ang pang-aabuso ay pisikal o emusyunal. Kabilang sa pang-aabuso ang sapilitang pagtatrabaho, pornografi, exployteysyon at pagsasamantalang sekswal. Inireport sa The Council of Elders for the Protection of Children na ang prostitusyon, pagiging delingkwente, pagtatangkang magpakamatay, depresyon, mababang pagtingin sa sarili at pagkatakot sa isyung may kaugnayan sa sex ay mga indikasyon at epekto ng pang-aabuso sa mga kabataan.

__________4.  Pinaniwalaan ng isang bishop noong 1870 na wala nang maaaari pang maimbento ang tao. Sinabi niya ito sa isang presidente ng isang maliit na kolehiyo. Hindi sumang-ayon sa kanya ang presidente at sinabing marami pang dapat tuklasin ang tao. Wika niya, “Darating ang panahong ang tao ay makalilipad tulad ng mga ibon..” Hindi naniniwala ang bishop at sinabing iyon ay paglapastangan sa Diyos. Ayon sa kanya, “Ang paglipad ay para lamang sa mga anghel! Pagkaraan ng 33 taon, pinalipad ng magkapatid na Orville at Wilbur ang kauna-unahang sasakyang mas mabigat pa sa hangin. Ito ang pinagmulan ng eroplano. Sino ang bishop? Si Milton Wright, ang ama ng magkapatid na umimbento ng eroplano!

__________5. Mahalagang paunlarin ang iyong sarili. Luma na ang kaisipang kung hindi ka matalino sa Lingguwistika, Matematika o sa Agham ay bobo ka! Lumang kapaniwalaan. Maraming uri ng katalinuhan bukod sa nabanggit na. Mayroon sa musika, sa sayaw, sa pag-arte, sa pagguhit, pakikinig, pagsulat, pagsasalita, at maging sa pagtingin sa buhay at kamatayan. Sino nga ba ang walang ganoong kakayahan? Maaaring dalawa o higit pa ang mayroon ka! Ang gagawin mo lang ay tuklasin ito at idevelop.

Alamin


Nakakita ka na ba ng pating, balyena o dolphin? Alam mo ba ang pagkakaiba-iba nila? Ang pating ay mabangis at kumakain ng malalaking hayop sa dagat  at gayundin ng tao. Samantala, ang mga balyena at dolphin ay maaamo, mapaglaro at kadalasan ay nagliligtas ng buhay kung may sakunang nangyayari sa dagat.

         Marahil, narinig mo na ang tungkol sa mga Butanding? Kung hindi pa, ito ang mga whale sharks na maamo at tunay na kinagigiliwan ng mga turista. Alam mo ba kung saan matatagpuan ang mga Butanding?

         Sige, basahin mo ang tungkol dito at nang malaman mo.


Mga Butanding ng Donsol

Ipinakita ng mga taga-Donsol, na maaaring pagkakitaan

ang mga likas nating yaman ng hindi pinapatay o nilulustay.

Marami sa mga may malasakit sa turismo at kalikasan ang nakakaalam na ang pinakamalaking isda ay ang "Butanding" na mas kilala sa wikang Ingles na

"Whale Shark" ay naninirahan at nakikipaglaro sa mga turista at kababayan ng Donsol, Sorsogon mula Disyembre hanggang Mayo taun-taon.
Sadya talagang mapalad ang mga taga-Donsol sapagka’t hindi nila natutuhang kainin ang mga Butanding. ‘Di tulad sa ibang parte ng Pilipinas kung saan ang Butanding ay kinakatay at kinakain. Ang mga Butanding sa Donsol ay tinuturing na isang bagong kaibigan na nagbibigay ng hanapbuhay sa mga naninirahan doon.
Ang Butanding ay hindi kumakain ng mas malalaking nilalang tulad ng mga malalaking laman-dagat, isda o tao. Sa mga pag-aaral ng mga siyentipiko, ang kinakain ng Butanding ay mga plankton (maliliit na hayop), at mga hipon. Wala siyang matatalas na ngipin tulad ng ibang pating, at ang kanyang pagkain ay hinihigop ng kanyang napakalaking bibig (mga 8 metro ang lapad) at sinasala ng kanyang mga hasang.
Maraming kailangang sundin upang ipakita ang paggalang sa mga Butanding tulad ng hindi paghipo o pagsakay. Hindi gumagamit ng mga scuba gear, at iba pang gamit na makapagtataboy sa kanila. Hindi rin gumagamit ng “flash photography”. Dapat pa ding alalahaning sila ay mga "wild” at hindi turuan. Minsan tumatagal ang mga "encounter" dahil ang mga Butanding ay kumakain. Natatapos ang mga "encounter" ‘pag nagdesisyon ang mga Butanding na lumangoy palayo.

(Hango sa BALIKAS, Aklat 9 Bilang 23, 11-17 ng Hunyo, 2004)
 
        Ngayong tapos mo nang basahin, saan matatagpuan ang mga Butanding? Tama, sa Donsol, Sorsogon. Nakatatakot ba ang mga Butanding? Syempre, hindi. Dahil sila ay maaamo at palakaibigan. Natandaan mo ba kung anu-ano lamang ang kinakain nila? Tama ka! Maliliit na mga hayop at mga hipon lamang.
     Ipinakita ng mga taga-Donsol, na maaaring pagkakitaan ang mga likas nating yaman tulad nito, ng hindi pinapatay o kinakatay. Kinakailangan din sigurong maibahagi sa iba ang karanasan ng mga taga-Donsol, Sorsogon, di ba? Daan ito para pangalagaan din nila ang bagong yamang ito. Kahit kasi alagaan sila ng mga taga-Sorsogon, kung sa iba namang daraanan ng mga Butanding ay kakatayin din sila, mawawalan ng silbi ang lahat ng pagsisikap.
        Sang-ayon ka ba rito? Marahil ay walang dudang “Oo” ang sagot mo.